Operasyon ng Araneta Terminal sinuspinde muna ng LTFRB matapos ang naganap na malaking sunog
Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Araneta Terminal sa Cubao Quezon City matapos ang malaking sunog na naganap araw ng Huwebes, Feb. 9.
Ang nasabing lugar ay nagsisilbing terminal ngayon ng mga Beep Jeep.
Ayon sa abiso ng LTFRB, nagtalaga muna sila pansamantala ng mga pick-up point kung saan maaaring magtungo ang mga pasahero para makasakay ng Beep Jeep.
Narito ang mga pick-up point base sa ruta ng Beep Jeep:
– Cubao – A. Roces ➡️ Annapolis cor. Aurora Blvd.
– Cubao – Doña Carmen ➡️ 15th Avenue cor. P. Tuazon
– Cubao – Marikina ➡️15th Avenue cor. P. Tuazon / Aurora Gateway
– Cubao – Pasig ➡️13th Avenue cor. P. Tuazon
– Cubao – Novaliches ➡️ Gateway, Aurora Blvd entrance
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) pasado 10:00 na ng gabi ng Huwebes nang maideklarang fire out ang sunog na umabot sa Task Force Bravo.
Inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng apoy.
Sa hiwalay na pahayag ng pamunuan ng Araneta City ay sinuspinde din ang operasyon ng kalapit na Manhattan Park dahil sa insidente. (DDC)