Mga nanay na abusado sa anak puwedeng ireklamo ng mister
Maaaring magsampa ng kaso ang mga mister laban sa kanilang misis na nang-aabuso sa kanilang mga anak.
Ito ang nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa petisyon ng isang Randy Michael Knutson na kumukuwestiyon sa hatol ng Taguig City Regional Trial Court.
Sa pasya ng Taguig City RTC ay ibinasura ang kasong pang-aabuso na isinampa ni Knutson sa kanyang misis na si Rosalina Knutson na nagmamalupit sa kanilang menor de edad na anak na babae.
Ang pasya ng Taguig City RTC ay salig sa probisyon ng Republic Act 9262 o mas kilala bilang Anti- Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act dahil hindi umano maituturing na “woman victim of violence” ang petitioner.
Sa desisyon ng SC, ipinaliwanag na bagaman hindi binanggit ang mga lalaki bilang mga biktima sa ilalim ng VAWC, hindi nangangahulugan na pinagkaitan na ng remedyo sa batas ang mga magulang na lalaki.
Binanggit ng Korte Suprema ang Section 9(b) ng VAWC Law na nagpapahintulot sa “parents or guardians” ng agrabyadong partido na makapagsampa ng demanda o maghain ng petition for protection order.
Sa rekord ng kaso, humingi ng protection order sa trial court ang petitioner matapos na dalhin ng kanyang misis ang kanilang anak na babae sa lugar na mapanganib sa kalusugan nito. (DDC)