Team ng MMDA na kasama sa PH contingent sa Turkey nakaalis na ng bansa
Dumating na sa Turkey ang Philippine contingent na tutulong sa search and rescue operations matapos ang tumamang malakas na lindol.
Kasama sa nagtungo sa Turkey ang 12-man team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Dala ng MMDA team ang portable search and rescue tools gaya ng life locator at v-strut na kayang mag-locate o maghanap ng nga biktima sa ilalim ng mga nadurog na bato buhat sa mga gumuhong istruktura.
Nag-iwan ang malakas na lindol ng libu-libong nasawi dahilan upang bumuo ng humanitarian contingent ang Pilipinas na kinabibilangan din ng mga tauhan mula sa Office of the Civil Defense, Department of Health (DOH), Philippine Army, at Philippine Air Force (PAF).
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na ang MMDA team ay binubuo ng well-trained disaster rescuers na unang dineploy para tumulong sa rescue and retrieval operations sa Bohol, Nepal, at Pampanga na napinsala ng mga lindol noong 2013, 2015, at 2019.
“The ambassador of Turkey requested the team’s deployment along with rescuers from other concerned government agencies. The contingent will be transported by Turkish Airlines at no cost,” sabi ni Artes bilang pakikisimpatya sa mga mamamayan ng Turkey na apektado ng mapaminsalang lindol.
Ang ahensiya din ang magbibigay sa team ng mga damit pangginaw o winter clothes dahil ang temperatura sa Turkey ay nasa 4 degrees Celsius.
Sinabi pa ng MMDA chief na ang misyong ito ay mahalagang karanasan para sa team dahil makakasama nila sa trabaho ang mga rescuers mula sa ba’t ibang bansa.
Patuloy aniya na tumataas ang mga kapabilidad ng ahensya bilang paghahanda para sa The Big One. (Bhelle Gamboa)