Higit P183M ‘illegal drugs’ nadiskubre sa abandonadong sasakyan sa Parañaque City
Aabot sa 27-kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P183,600,000 ang nadiskubre sa loob ng isang abandonadong sasakyan sa Parañaque City.
Gabi pa lang ng Miyerkules (Feb. 8) nang mapansin ng barangay tanod na si Mark Joseph Espinosa ang isang abandonadong pulang Toyota Innova sa panulukan ng Quirino Avenue at M. Delos Santos Street, Barangay Tambo, Parañaque City pero madaling araw na ng HUwebes (Feb. 9) ay naroon pa rin ang sasakyan.
Nang dumating ang mga tauhan ng Parañaque City Police Tambo Substation ay nakitang sarado ang lahat ng pinto ng sasakyan subalit hindi ito naka-lock, semi tainted ang wind shields at tila walang senyales ng kontrabando maliban sa nakita na isang brown backpack sa passenger seat, isang kahon at isang sako.
Nang tignan ang laman ng sasakyan ay natuklasan ang 27 vacuum sealed tee packed na naglalaman ng umano’y shabu, puting sako at plastic, isang Lazada box, dalawang photocopies ng OR/CR Toyata Innova na may plakang CDI 9729, deed of sale ng sasakyan, at iba pang dokumento.
Ang narekober na ‘shabu’ ay dinala sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit. (Bhelle Gamboa)