Mga suspek sa sensational crimes arestado sa week-long OTBT ng NCRPO
Dumagsa ang mga biktima ng sensational crimes, kanilang pamilya at kaanak sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City upang magpasalamat sa nagkakaisang mga hakbang ng operating units ng NCRPO at limang police districts na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspek sa pamamagitan ng pagsisilbi ng arrest warrants.
Kabilang sa mga sensational crimes ang murder, homicide, rape, robbery with homicide at iba pang imoral na gawain.
Sa isang press briefing sa Camp Bagong Diwa, iniulat ni DRDO BGen Jack Wanky bilang kinatawan ni NCRPO Chief MGen Jonnel Estomo, na aabot sa 470 na katao na may standing warrants of arrest ang naaresto sa isang linggong One-Time-Big-Time operation na inilunsad ng limang districts at regional operating units ng NCRPO.
Layunin ng operasyon na tiyakin ang maigting na pagsasagawa ng anti-criminality at anti-illegal drug campaign sa Metro Manila.
Nabatid na umabot sa mahigit P10. 7 million na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa isinagawang 348 police operations na nagresulta sa pagkakadakip ng 486 illegal drug personalities.
Samantala nasa 17 katao ang nadakip sa 17 operations na at nakumpiska ang 19 na loose firearms sa parehong operasyon.
Pinuri ni Estomo ang hindi matatawarang hakbang ng kanyang mga tauhan sa pagsasagawa ng operasyon upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad sa Metro Manila.
“I commend the unwavering effort of the five police districts and regional operating units of NCRPO in the conduct of One-Time-Big-Time operation to arrest wanted persons, curb the proliferation of illegal drugs, vices, and all forms of criminality in the community. Your collaborative effort brought our organization in greater heights in the delivery of genuine public service that is SEEN, FELT, and APPRECIATED by our people through EXTRAORDINARY police service,” ani Estomo.
“Makakaasa po ang ating mga kababayan lalong lalo na ang mga biktima ng mga sensational crimes na hindi po tayo titigil sa ating pagtugis sa mga kriminal na gumawa nito,” pahayag ni BGen Wanky. (Bhelle Gamboa)