Paunang screening sa mga opisyal ng PNP na nagsumite ng resignation uumpisahan na ng advisory group
Pinangalanan na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang bubuo sa advisory group na siyang magsasagawa ng inisyal na screening sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na naghain ng courtesy resignation.
Inanunsyo ni Abalos sa isang pulong balitaan ang mga miyembro ng advisory group na sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PNP Chief Director General Rodolfo Azurin Jr., dating National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Jr. at Retired Major General Isagani Nerez habang ikalimang miyembro ay tumangging isapubliko ang kanyang pangalan.
Sinabi pa ng kalihim ng DILG na agad nang magsisimula sa kanilang screening ang advisory group at inaasahang matapos ang buong proseso ng tatlong buwan.
“Mataas ang respeto natin sa limang volunteer advisors na ito na tumanggap ng napakahirap na hamon at responsibilidad na magsagawa ng imbestigasyon upang patuloy na masugpo ang iligal na droga sa bansa,” ani Abalos.
Kampante aniya siya na magiging patas at walang kinikilingan ang magiging review ng advisory group “dahil sila ay kilalang may kredibilidad, integridad at magandang track record sa kani-kanilang larangan.”
Ang nasabing advisory group ang magsasala sa mga courtesy resignation ng mga matataas na opisyal ng PNP kasama ang National Police Commission (NAPOLCOM).
Binigyang-diin ng kalihim na hindi isang pormal na government appointment ang pagiging miyembro ng nasabing advisory group at pinakiusapan lamang ang mga volunteer advisors.
“Nililinaw ko lang na ito ay legal na proseso dahil ito ay advisory group lamang na siyang magrerekomenda sa National Police Commission (Napolcom) at sa kalaunan kay Presidente Ferdinand R. Marcos, Jr. Wala silang tatanggaping sahod o allowance dito,” sabi ni Abalos.
Hiniling ng kalihim ang suporta ng publiko sa imbestigasyon upang mapagtagumpayan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
“Hinihiling ko po na ibigay natin ang ating 100% support sa kanila at patuloy tayong makiisa sa labang ito para masugpo ang droga na matagal ng nakakapaminsala sa ating bansa at nakakasira sa pangarap at kinabukasan ng mga inosenteng Pilipino,” dagdag niya. (Bhelle Gamboa)