2 air assets ng Philippine Air Force muling pinalipad para hanapin ang nawawalang cessna plane
Patuloy ang paghahanap ng mga otoridad sa isang Cessna Plane na nawala sa bahagi ng Isabela.
Dalawang air assets ng Tactical Operations Group 2 (TOG 2) ng Philippine Air Force (PAF) ang pinalipad araw ng Martes, Enero 31 upang ipagpatuloy ang paghahanap sa nawawalang Cessna Plane.
Naipagpatuloy ang operasyon matapos na muling gumanda ang panahon sa lugar.
Ayon kay Joshua Hapinat, nagsilbing tagapagsalita ng Incident Management Team (IMT), muling iikot ang grupo para sa search and rescue sa “Site Alpha” na unang tinukoy ng grupo kung saan nakita ng mga barangay officials ang white object.
Bukod dito, sinabi rin ni Hapinat na siyam mula PNP-SAF at 11 sundalo ang isusunod na ipapadala bilang karagdagdang searchers-rescuers sa nawawalang eroplano.
Sa ngayon, sinabi ni Hapinat na umaasa ang grupo na magtutuloy-tuloy ang magandang panahon para maikot ang tinawag nilang “Site Alpha”. (DDC)