Pag-iisyu ng ticket ng LTO enforcers gagawin nang automated
Simula sa susunod na linggo gagawin ng automated o digital ang paniniket ng lahat ng law enforcers ng Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa.
Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipatupad ang digitalization sa ahensya.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade, ipamamahagi na sa mga law enforcer ng ahensya ang Law Enforcement Handheld Mobile Device na gagamitin para sa pagbibigay ng electronic Temporary Operators’ Permit (e-TOP).
Ibig sabihin ay hindi na gagamit ng manwal na TOP na karaniwang ibinibigay sa mga lumalabag sa batas-trapiko at sa halip ay idadaan na ito sa handheld device upang otomatilong maipasok sa online system ng LTO.
Dagdag ng LTO chief, ang mga paglabag sa batas-trapiko na ipapasok sa mga handheld device ay hindi na maaaring baguhin pa.
Sakali namang maisapinal na ng LTO ang cashless payment feature ng mga law enforcement handheld mobile device, pwede nang makapagbayad ng multa gamit ang credit card o load wallets ang mga may traffic violation.
“Ang second phase ng ating digitalization sa pag-issue ng TOP ay ang cashless payment method kung saan pwede nang magbayad ng multa ang sumuway na motorista kung saan siya mismo nahuli,” ani Tugade.
Ang mga law enforcement handheld mobile device ay mayroong camera at fingerprint scanner para magamit ng mga LTO traffic enforcer sa pagberipika kung peke o totoo ang ipiniprisintang driver’s license.
Maaari rin nilang gamitin ang camera bilang face recognition scanner.
Mayroon din dalawang mobile data SIM cards ang nasabing aparato upang magkaroon ng internet connectivity at makapagpadala ng datos sa LTO online system.
Gayunman, kahit walang mobile connectivity o offline, makakapagbigay pa rin ito ng traffic violation ticket.
Kaugnay nito ay nagsagawa ngayong araw ng refresher course para sa mga law enforcement officer ng LTO hinggil sa paggamit ng handheld mobile device. (DDC)