Nasa likod ng sunud-sunod na bomb threat sa mga paaralan sa QC hahanapin ng pulisya at LGU
Nagbabala ang Quezon City Local Government Unit (LGU) sa mga nagpapakalat ng pekeng bomb threats sa mga paaralan sa lungsod.
Kamakailan magkakasunod na nakatanggap ng bomb threat ang ilang paaralan sa Quezon City na nagresulta sa pagkaantala ng klase.
Kabilang sa nakatanggap ng bomb threats ang New Era Elementary School, San Jacinto High School, San Francisco High School at Ponciano Bernardo High School.
Matapos ang isinagawang inspeksyon ng explosive ordnance disposal (EOD) unit ng Quezon City Police District (QCPD) ay idineklarang negatibo sa bomba ang nasabing mga paaralan.
Tiniyak ni QC Mayor Joy Belmonte na hahanapin ang mga nagpapakalat ng pananakot.
“We will go after those who spread false information or pranks about bomb threats. Our schools are supposed to be a safe place for our students, and we will not take these pranks and threats lightly,” ani Belmonte.
Siniguro naman ng QCPD ang pakikipagtulungan sa city government para maaresto ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng impormasyon.
Nanawagan din si Belmonte sa City Council na magpasa ng ordinansa na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa sinumang mapatutunayang nagpakalat ng pekeng impormasyon tungkol sa bomba o explosives.
Ang bomb scares o pranks tungkol dito ay paglabag sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727. (DDC)