Panuntunan sa pagsakay ng mga alagang hayop inilabas ng LRT-2; end coach ng tren ipagagamit sa furparents
Naglabas ng panuntunan ang Light Rail Transit Authority (LRTA) para sa nakatakdang pagpapasakay sa mga alagang hayop sa LRT-2.
Simula sa February 1, 2023 ay papayagan nang sumakay sa tren ang mga alagang hayop.
Sa inilabas na guidelines ng LRTA, isang alagang aso o pusa lamang kada pasahero ang papayagan at dapat hindi kalakihan ang mga ito.
Ang mga alaga ay na sasakay sa tren ay dapat nakalagay sa carrier o cage na ang sukat ay hindi lalagpas sa 2ft x 2ft para puwede itong ilagay sa lap ng pasahero o sa sahig ng tren.
Hindi puwedeng ilagay sa upuan ng tren ang carrier o cage.
Hindi papayagan ang strollers para sa mga alagang hayop.
Ang alagang hayop ay dapat nakasuot ng diaper.
Iinspeksyunin din ito at dapat maipakita ang vaccination card ng alaga.
Ang pet owner at kaniyang alaga ay papayagan lamang sa end o last coach ng tren.
Bawal pakainin ang alagang hayop habang nasa loob ng tren. (DDC)