26 pang kasapi ng NPA sa Region 5, nagbalik loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng NCRPO
Nagbalik-loob na sa pamahalaan ang 26 pang kasapi ng New Peoples Army (NPA) matapos magpasyang sumuko ang mga ito sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ginanap a simpleng seremonya na sinaksihan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. kasama ang iba pang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), sa Hinirang Hall, Camp Bagong Diwa, Taguig City.
“Hinihimok po namin ang iba pang nais magbalik-loob, narito po ang gobyerno, narito po kaming mga pulis na tutulong po sa inyo. Makakaasa po kayo na ang inyong kapulisan ay laging handang sumuporta sa inyong hangarin na talikuran at iwaksi ang idelohiyang terorista-komunista at ang karahasang kaakibat nito upang tayo’y mamuhay ng mas maayos, tahimik at payapa. Salamat po sa tiwala nyo sa amin,” pahayag ni NCRPO Regional Director,Major General Jonnel Estomo.
Nagpasalamat din si RD Estomo sa walang humpay na suporta ni Sec. Abalos para sa adhikaing pangkapayapaan at sinabi na ang kapulisan ay laging katuwang sa bawat hakbang bilang mga tagapaglingkod at tagapagtanggol.
Ayon pa kay Estomo, ito na ang ika-anim na pagkakataong sumuko ang ilang makakaliwang grupo sa ilalim ng Administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Bilang pagpapakita ng kanilang malayang pagtiwalag at pagtalikod sa kanilang komunistang grupo ay pinunit ang kanilang bandila at isinurender ang mga armas.
Ang mga sumuko ay binigyan ng food/grocery packs, health kits at cash assistance mula sa pamahalaan. Sumailalim din sila sa seminar bilang isa sa mga requirements sa proseso ng E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program).
“Andito ang kapulisan, andito ang army, andito ang gobyerno, lahat tayo magkakapatid. At iyan ang sabihin natin sa mga kasama natin na hanggang ngayon ay nalilinlang pa rin,” sabi ni SILG Abalos.
“ Napakahalaga ng buhay. Kung kayo nasasaktan, nasasaktan din ang military, nasasaktan din ang pulis. Bawat buhay na mawawala masakit sa bawat isa at hindi dapat mangyari yun. Malalabanan natin ito hind isa armas kung hindi sa puso ng bawat isa, ang pakikiisa ng bawat Pilipino,” dugtong pa nito.
Unang binisita ni Abalos ang tinutuluyan ng mga sumuko sa pasilidad sa loob ng NCRPO na tinawag na “Peace and Prosperity Village”.
Batay sa datos ng NCRPO mahigit 500 na dating rebelde ang nagbalik-loob at nagpakita ng katapatan sa ating pamahalaan. (Bhelle Gamboa)