Mahigit 40,000 kilo ng smuggled na sibuyas nakumpiska sa Zamboanga City
Nakumpiska ng mga otoridad ang libu-libong bags ng sibuyas na pinaniniwalaang ilegal na inangkat.
Ang mga sibuyas ay natagpuan sa isang van at isang watercraft sa Varadero de Cawit, Brgy. Cawit, Zamboanga City.
Sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard, Marine Battalion Landing Team-11, Intelligence Operatives ng Western Mindanao, Joint Task Force Zamboanga, at Bureau of Customs District Zamboanga, natuklasan ang humigit-kumulang 3,000 bags ng pulang sibuyas sa loob ng isang ISUZU close van.
Isang watercraft din na may markang MJ MARISA ang naharang na naglalaman naman ng humigit-kumulang 8,000 na mesh bags ng pulang sibuyas.
Ayon sa mga otoridad, bawat bag ay may laman na apat na kilo kaya tinatayang 44,000 kilos ng smuggled na sibuyas ang nakumpiska.
Pansamantanang pinipigil ang mga sasakyan na naglalaman ng kontrabando para sa inventory at imbestigasyon.
Nakatakda namang i-turnover sa kaukulang ahensya ng pamahalaan ang mga nakumpiskang sibuyas. (DDC)