Pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga empleyado ng Comelec na biktima ng karahasan tiniyak ni Chairman Garcia
Siniguro ni Commission on Elections Chairman George Garcia ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga on-duty Comelec employees na nabibiktima ng karahasan.
Kamakailan, binisita ni Garcia ang election officer sa Basilan na biktima ng pananambang habang ginagampanan ang kaniyang tungkulin.
Personal na nakausap ni Garcia ang biktimang si Aknam Hasim ng Maluso, Basilan na nakaligtas sa insidente ng pananambang noong October 2021 subalit naapektuhan ang kaniyang paningin.
Binisita din ni Garcia ang pamilya ng election officer na si Ruayna Sayyadi ng Isabela City na pumanaw naman sa insidente din ambush noong July 2022.
Ayon kay Garcia, inaprubahan na ng Comelec ang financial funding endorsement para sa mga empleyado ng poll body na nabibiktima ng karahasan habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho.
Aminado naman si Garcia na hindi ito sapat dahil ang mahalaga ay matiyak na mabibigyan ng hustisya ang sinasapit ng kanilang mga empleyado.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa malinaw ang kaso ng dalawang pananambang at wala pang natutukoy na suspek ang pulisya.
Patuloy ang panawagan ng Comelec sa PNP at sa iba pang law enforcement agency na tiyaking maibibigay ang hustisya sa dalawang Comelec officials. (DDC)