DSWD magdaragdag ng mahigit 73,000 4Ps beneficiaries sa Eastern Visayas
Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Eastern Visayas na magkaroon ng 73,252 na bagong 4Ps beneficiaries para sa Set 12 ngayong taong 2023.
Ayon sa DSWD inaasahan na ang nasabing bilang ng mga bagong benepisyaryo ay magpaparehistro upang palitan ang mga graduated o exited Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) households.
Ang replacement o pagpapalit ng beneficiaries ay na-institutionalize sa pamamagitan ng DSWD Memorandum Circular No. 12 series 2019 na nagbibigay-daan sa patuloy na pagpapalit ng mga Conditional Cash Transfer (CCT) households na saklaw ng programa.
Ang mga natukoy na mahihirap na sambahayan o “poor households” sa “Listahanan” o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ay may potensyal na mapasali sa 4Ps.
Nagsasagawa na ngayon ng orientation ang DSWD Field Office 8 sa mga City at Municipal Local Government Units.
Sa naturang orientation tinatalakay ang pagpaplano sa itatakdang validation at registration activities sa kani-kanilang lugar. (DDC)