MMDA magtatayo ng Metro Manila Motorcycle Riding Academy
Pangungunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagtatayo ng isang Motorcycle Riding Academy sa Metro Manila upang mabawasan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo at maging mas ligtas ang mga kalsada.
Sa ilalim ng proyekto,bubuo ang MMDA ng technical working group para sa pormulasyon ng Motorcycle Safety Training Course module na magbibigay sa parehong beginners at experienced riders proper training, at ng karaniwang kaalaman gaya ng iba’t ibang uri o types, characteristics, basic parts, basic control at operasyon ng mga motorsiklo; mga batas sa ligtas na kalsada,panuntunan at alituntunin sa operasyon ng mga motorsiklo; kailangang kakayahan sa pagmamaneho upang makaiwas sa mga matitinding sitwasyon; at pang-unawa sa kamalayan ng panganib at ng kaukulang mga pagpapasya.
Ang Academy ay magkakaloob din ng basic emergency response training para sa mga motorcycle riders.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang Motorcycle Riding Academy ay magiging sentro ng edukasyon na magbibigay sa mga motorcycle riders ng nararapat na riding at basic emergency response skills.
“The Academy would provide riders with formal training on both theoretical and practical aspects of motorcycle riding,” ani Artes.
“Through this Motorcycle Riding Academy, we aim to further promote road safety, particularly to our motorcyclists who are very much at risk to road mishaps. It’s a good opportunity for them to refresh and hone their riding skills and to provide first aid to people who will encounter unexpected road accidents,” dugtong nito.
Noong 2018, naitala ng MMDA Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) na ang motorcycle riders ay kabilang sa highest road crash fatalities na aabot sa 38% o 224 fatalities mula sa kabuuang 590. Ang bilang ng mga naitalang namatay mula 2020 (253) at 2021 (295).
Batay sa 2018 Global Status Report on Road Safety ng World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ay nasa ranggong 11 buhat sa 175 na mga bansa sa naitalang bilang ng road traffic deaths na 10,012 kung saan 4.7% ang mga drivers/passengers ng 2- o 3- wheelers.
Bubuksan ang training sa lahat ng interesadong partisipante ng libre at bibigyan sila ng sertipiko kapag nakumpleto ang mga lektura/lectures, practical application, at Basic Emergency Response Course.
Kabilang sa mga lecture ang Motorcycle Riding Courtesy, Motorcycle Orientation, Road Traffic Rules and Regulations, at Motorcycle Safety Laws; habang kasama naman sa simulation exercises ang Preparing to Ride, Common Riding Situations, MC Safety Driving Demonstration, at Motorcycle Basic Riding Course.
Ang mungkahing lokasyon ay sa bakanteng lugar na pag-aari ng Government Service Insurance System (GSIS) sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at Meralco Avenue, Pasig City. Papasok ang MMDA at GSIS sa isang Memorandum of Agreement para sa paggamit ng naturang property.
Makikipag-ugnayan din ang MMDA sa concerned Metro Manila local government units at ibang stakeholders para sa promosyon ng Motorcycle Riding Academy na inaasahang mag-ooperate sa first quarter ng 2023.
Ang Motorcycle Riding Academy ay resulta ng Traffic Summit ng ahensya noong nakaraang taon kung saan binigyang-importansiya sa kasagsagan ng multi-stakeholder consultations ang kailangan para sa capacity building ng motorcycle road users upang magsagawa ng road safety and traffic related policies at basic life support training.
Noong Oktubre 2022, nagsagawa ang MMDA ng Basic Emergency Response Course (BERC) para sa motorcycle-hailing groups tulad ng JoyRide PH at Angkas Transport Company upang magsilbi silang emergency responders sa mga aksidente bilang pag-asiste at force multipliers ng ahensya. (Bhelle Gamboa)