Mga aktibidad sa pagsalubong sa Chinese New Year sa Dagupan City, umarangkada na
Maagang sinalubong ng mga Dagupeño ang pagpasok ng Chinese New Year ngayong 2023 sa pamamagitan ng Dagupan City Chinese Heritage Day.
Pinangunahan ni Mayor Belen Fernandez ang pagdiriwang kasama sina Vice Mayor BK Kua at mga city councilor.
Ang naturang Chinese Heritage Day ay joint celebration kaisa ang buong Filipino-Chinese community sa Dagupan na kinabibilangan ng Pangasinan Filipino Chinese Chamber of Commerce, Pilipino Chinese Chamber of Commerce, Inc., Pangasinan Chapter, Filipino-Chinese Amity Club-Dagupan Chapter, at Panda Fire Brigade, Inc.
Sinimulan ang pagsalubong sa Year of the Water Rabbit sa pamamagitan ng isang motorcade sa central business district kasabay ng pagpapamahagi ng mga tokens o ang pao na kilalang bahagi na ng Chinese culture.
Hindi rin mawawala ang Dragon and Lion Dance sa mga tradisyon tuwing Chinese New Year.
Una dito ay nagsagawa rin ng prosperity dance sa tradisyunal na Lion and Dragon performance ang Dynamic Youth Dragon Lion Liu Wushu Team paikot sa mga opisina at tanggapan ng siyudad simula sa Dagupan City Hall – City Mayor’s Office, City Engineering Compound, POSO, at sa Dagupan City Health Office. (DDC)