SIM card registration umabot na sa mahigit 21 million ayon sa DICT
Umabot na sa 21 million ang naiparehistrong SIM sa nagpapatuloy na SIM Registration.
Ayon sa datos mula sa Department of Information and Technology (DICT) umabot na sa 21,128,925 na SIM ang naiparehistro.
Base sa rekord ng National Telecommunications Commission (NTC) ang naturang bilang ay 12.5% pa lamang ng 168,977,773 subscribers sa buong bansa.
Ang Smart Communications Inc. ay nakapagtala na ng 10,386,685 SIMs registered na 15.28% ng kabuuang halos 68 million subscribers nito.
Ang Globe Telecom Inc. naman ay nakapagtala na ng 8,963,101 registered SIM o 10.2% ng mahigit 87.8 million nilang subscribers.
Habang ang DITO Telecommunity Corp. ay nakapagtala na ng 1,779,139 SIMs registered o 13.57% ng mahigit 13 million subscribers.
Ayon kay DICT Spokesperson at Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo, nakikipag-ugnayan sila sa mga ahesya ng gobyerno at mga telco para makapagsagawa ng SIM Registration sa mga liblib na lugar sa bansa.
Katunayan nakapagdaos na anya ng onsite SIM Registration sa isang malayong lugar sa Masantol, Pampanga.
Pinaalalahanan din muli ng DICT ang publiko na magparehistro lamang gamit ang mga official links na ibinigay ng mga telco. (DDC)