DOH naglabas ng paalala para sa mga dadalo sa “Dinagyang 2023”
Nagpalabas ng paalala ang Department of Health (DOH) Western Visayas Center for Health Development para sa mga makikilahok sa aktibidad ng “Dinagyang 2023” sa Iloilo.
Ayon sa DOH-Western Visayas, sa pagbabalik ng face-to-face na selebrasyon ng “Dinagyang” pinapayuhan ang publiko na panatilihing ligtas ang pagdiriwang.
Ang mga maituturing na vulnerable group gaya ng nakatatanda, buntis at immunocompromised ay pinapayuhang manatili na lamang sa bahay.
Kung nakararanas naman ng sintomas ng flu, gaya ng lagnat, sore throat, ubo at sipon ay mabuting manatili na lang din sa bahay at mag-quarantine.
Sa mga magtutungo sa aktibidad, magdala ng emergency kit na may lamang alcohol, maintenance medicines at band-aids.
Sa mismong araw ng mga aktibidad, pinapayuhan ang mga dadalo na maging maingat para maiwasan ang paglaganap ng sakit.
Patuloy ding magsuot ng facemask at palagiang mag-sanitize ng kamay.
Sa Jan. 21, 2023 idaraos ang mga aktibidad para sa “Dinagyang 2023” kabilang ang parada, tribes competition, at float parade of lights. (DDC)