Customs may paalala sa mga biyahero hinggil sa pagdadala ng gulay pauwi sa bansa
Nagpaalala ang Bureau of Customs (BOC) sa mga biyaherong dumarating ng Pilipinas hinggil sa pagdadala ng gulay at iba pang spices.
Ayon sa inilabas na abiso ng BOC, ang mga biyahero ay hindi puwedeng mag-uwi sa bansa ng mga gulay at spices gaano man ito kaunti o kadami nang walang karampatang Plant Quarantine Clearance o Sanitary & Phytosanitary Import Clearance.
Ang Plant Quarantine Clearance ay kailangan kung ang iuuwing gulay ay para sa “personal use” habang ang Sanitary & Phytosanitary Import Clearance ay kailangan kung para sa “commercial use”.
Ang dalawang clearance ay iniisyu ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Kung mayroong intensyon na magdala sa bansa ng gulay, halaman o anumang plant products, kailangan munang maghain ng aplikasyon para sa Plant Quarantine Clearance o Sanitary and Phytosanitary Import Clearance.
Layunin nitong maiwasan ang posibleng paglaganap sa bansa ng peste sa halaman.
Ginawa ng Customs ang paalala makaraang mahulihan ng sibuyas at prutas ang sampung flight attendants ng Philippine Airlines na kanilang iniuiwi sa bansa galing ng Dubai at Riyadh nang walang permit. (DDC)