2-month buffer stock ng asukal titiyakin ng Marcos admin
Titiyakin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mayroong buffer stock ng asukal sa bansa na kayang tumagal ng dalawang buwan.
Ito ay para matiyak na hindi magkakaroon ng shortage sa suplay ng asukal na kadalasang nagreresulta sa pagtaas ng presyo nito.
Sinabi ito ng pangulo sa panayam habang lulan ng PR001 patungong Davos, Switzerland para sa World Economic Forum (WEF).
Aminado ang pangulo na kailangan pa ring resolbahin ang problema sa smuggling dahil dito aniya sa Pilipinas halos lahat ng uri ng produkto ay ipinipuslit.
Mayroon aniyang mga stratehiya ang ibang mga bansa laban sa smuggling na maaaring i-adopt ng Pilipinas.
Sinabi ng pangulo na malaking parte din sa laban sa smuggling ang digitalization ng Bureau of Customs (BoC).
Samantala upang mapagbuti naman ang produksyon ng agricultural products
sinabi ni Pangulong Marcos na kailangang tulungan ng pamahalaan ang sugar industry at onion growers.
Kung maitataas aniya ang produksyon ng sibuyas at asukal ay hindi na kailangang mag-angkat ang bansa.
Masyado aniyang nakasentro ang bansa sa impormasyon sa halip na tutukan ang pagpapabuti ng produksyon.
Ayon kay Marcos kaya napilitang mag-angkat ng sibuyas ang bansa ay para makatulong upang bumaba ang presyo nito sa merkado. (DDC)