Biyahe ng 26 na unit ng Victory Liner sinuspinde ng LTFRB matapos ang aksidente sa La Union
Pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw na suspensyon ang biyahe ng ilang mga bus ng Victory Liner, Inc. kasunod ng aksidente sa La Union na ikinasawi ng 3 indibidwal at ikinasugat ng maraming pasahero.
Sa kautusan ng LTFRB, hindi na muna pinapayagan ang operasyon ng 26 na bus units ng Victory Liner na biyaheng Cubao patungong Baguio City via Dau, Tarlac, at Urdaneta.
Magsisimula ang suspensyon sa araw na matanggap ng Victory Liner, Inc. ang kautusan at kailangan ding isuko ng kumpanya ang for-hire na plaka ng mga bus unit.
Sa panahon ng suspensyon, iniutos ng LTFRB na ipasailalim sa road safety seminar ng Land Transportation Office ang mga driver na nakatalaga sa mga bus na sinuspindi ang operasyon.
Ipinasusumite rin sa bus company ang Roadworthiness Certificate ng mga bus unit maliban sa nasangkot sa aksidente gayundin ang pruweba na nagbigay ito ng tulong-pinansyal at binayaran ang insurance benefits sa pamilya ng mga biktima ng aksidente.
Inatasan pa ng LTFRB ang kumpanya na magtakda ng petsa para sa regular na preventive maintenance service ng mga bus nitong suspendido ang operasyon.
Maliban sa suspensyon, binigyan ng LTFRB ng 72 oras ang Victory Liner upang magsumite ng nasusulat na paliwanag kung bakit hindi dapat masuspindi, makansela o mabawi ang Certificate of Public Convenience (CPC) at ipinahaharap sa pagdinig sa Jan. 24, alas-10 ng umaga sa TFRB Central Office sa East Avenue, Quezon City.
Sakaling mabigong tumugon ang Victory Liner, Inc., maituturing itong pagsuko ng kanilang karapatan na marinig at magdedesisyon ang Board batay sa mga ebidensya na hawak nito.
Huhulihin din ang mga suspendidong bus unit sakaling matukoy na bumibiyahe pa rin ito sa kabila ng kautusan. (DDC)