Mahigit P89M na halaga ng shabu galing Nigeria nakumpiska sa babaeng suspek sa Las Piñas City
Tinatayang P89,590,000 halaga ng ‘imported shabu’ ang naharang ng otoridad habang isang Pinay ang inaresto sa ikinasang controlled delivery operation sa Las Piñas City nitong Enero 11,2023.
Kinilala ang inarestong suspek na si Jolle Ann Cuer y Trimonia, 25 anyos.
Batay sa report, ikinasa ang controlled delivery operation ang mga operatiba ng Ninoy Aquino International Airport – Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO-NCR SDO, sa Lotus Street, TS Cruz Subdivision, Almanza Dos, Las Piñas City.
Nag-ugat ang operasyon buhat sa impormasyong ibinigay ng isang Regular Confidential Informant (RCI).
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 13,175 gramo ng shabu na may street value na ₱89,590,000; apat na self-sealing foil pouches ng snacks, at 44 self-sealing foil pouch na naglalaman ang bawat isa ng white crystalline substance sa loob ng parcel na deklaradong “Grandma Crunchy Chinchin 8 Packs”.
Ipinadala ang bagahe ng isang Micheal Olanrewaju mula Nigeria at nakapangalan sa isang Jolle Ann Cuer.
Ang nga ebidensiya ay isinumute sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination habang sasailalim naman sa drug test at physical examination ang suspek. (Bhelle Gamboa)