Mahigit 100 Badjao na-stranded sa pantalan sa Maynila matapos hindi agad makabiyahe pauwi ng probinsya
Ipinagamit ng Philippine Port Authority (PPA) ang parking area ng PMO NCR North para maging pansamantalang masisilungan ng mga Badjao na uuwi na sa kanilang probinsya.
Naantala kasi ang biyahe ng mga Badjao matapos masira ang barkong sasakyan dapat nila pauwi matapos silang mag-Pasko at Bagong taon sa Metro Manila.
Ayon sa PPA, aabot sa 162 na Badjao na may kasamang 20 menor de edad ang hindi agad nakabiyahe pauwi ng probinsya.
Sinabi ni PMO NCR North Port Manager Aurora Mendoza, taun-taon ay inaasahan na nila ang pag-uwi ng mga Badjao matapos ang holiday season.
Inasikaso naman ang mga ito habang sila ay nasa pantalan.
Pinagkalooban sila ng pamunuan ng 2GO ng food packs habang nagbigay naman ang PPA ng tubig.
Ayon sa PPA, mayroon pang 206 na Badjao sa North Harbor na nakatakda na ring umuwi sa kanilang lalawigan. (DDC)