70 percent ng mga batang edad 5 hanggang 11 target mabakunahan sa CDO City ngayong taon
Target ng pamahalaang lungsod ng Cagayan De Oro na mabakunahan kontra COVID-19 ang 70 percent ng mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang ngayong taon.
Maliban dito, target din ng City Health Office (CHO) ang 100 percent first booster coverage para sa mga edad 12 hanggang 17.
Ayon kay Dr. Ina Grace-Chiu, national immunization program medical coordinator ng CHO, ang Cagayan De Oro City ay mayroong second lowest vaccination rate sa mga local government sa northern Mindanao para sa mga batang edad 5 hanggang 11 simula nang ilunsad ang PinasLakas campaign noong July 2023.
Nasa 52 percent lamang ang nakamit ng CDO City para sa nasabing age group.
Dahil dito ay mas palalakasin pa ang mobile vaccination drive sa mga barangay.
Dahil balik paaralan na ang mga estudyante ang bakunahan sa megamall ay isasagawa na din kahit araw ng Sabado at Linggo.
Palagian ding ibabahagi sa official Facebook page ng CHO at ng CDO Public Information Office ang schedule ng pagbabakuna. (DDC)