Driver at may-ari ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong City ipinatawag sa pagdinig ng LTO
Nagpalabas na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari at driver ng SUV na umararo sa tinatayang 12 sasakyan sa One San Miguel Avenue, Barangay Wack Wack, Mandaluyong City.
Inatasan ang may-ari ng SUV gayundin ang dalawang posibleng driver na humarap sa tanggapan ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa East Avenue, Quezon City sa darating na Jan. 16, 2:00 ng hapon.
Pinagsusumite rin ng LTO ng paliwanag ang dalawang drayber ng SUV hinggil sa kung bakit hindi sila dapat na madiin sa kasong Reckless Driving at kung bakit hindi kailangang mabawi ang driver’s license ng mga ito bunsod ng pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Kaugnay nito, iniutos na rin ng IID ang suspensyon ng 90-araw at pagsusuko ng lisensya ng dalawang drayber upang hindi makapagmaneho ang mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Failure to surrender their driver’s licenses as required, any motor vehicle driven by them shall cause its impounding thereof,” ayon sa isang pahinang Order na pirmado ni IID Officer-in-Charge Renante Melitante.
Tinatayang 13 katao ang nasugatan matapos na araruhin ng SUV ang 12 nakahimpil na sasakyan matapos munang sumalpok sa isang poste sa center island ng One San Miguel Avenue.
“Ang insidenteng ito sa Mandaluyong City ay patunay lang ng pangangailangan na natitiyak na hindi tayo dumaraan sa shortcut kapag kumukuha ng lisensya at kung nagpaparehistro ng sasakyan,” diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “JayArt” Tugade. (DDC)