Distressed OFWs sa shelter ng Kuwait, umaapela ng tulong sa pamahalaan
Umaapela ng kaukulang tulong sa pamahalaan ang mga nagkaproblemang overseas Filipino workers (OFWs) na karamihan ay pawang nagkakasakit na dahil sa umano’y mahirap na kalagayan sa tinutuluyang shelter sa Kuwait.
Ito ang kinumpirma ni Special Alliance of Welfare Officer, Advocate, Recruiters and Migrant Workers (SWARM) founder at chairman Atty. David Castillon nang kanilang matanggap ang mga karaingan at sentimyento ng mga OFWs na nasa naturang shelter.
Ilang buwan na umanong inuubo at nakararanas na ng iba’t ibang karamdaman ang mga distressed OFWs roon dahil sa siksikan at sobrang init ng lugar na nadaragdagan din ang kanilang bilang kada araw.
Sa sahig ng shelter na umano natutulog ang mga distressed OFWs na marami sa kanila ay tumakas sa kanilang employer, biktima ng mga pang-aabuso at walang natanggap na suweldo.
Panawagan ng SWARM sa pamahalaan partikular sa mga concerned government agencies na pag-ukulang pansin at agarang tugunan ang pangmatagalang solusyon ng mga problema sa mga temporary shelters ng distressed OFWs hindi lamang sa Kuwait kundi sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ayon kay Atty. Castillon, na sa mga naturang problema o kaso nakasalalay ang mabilis o mabagal na repatriation program sa OFWs sa Kuwait depende rin aniya ito sa pakikipagtulugan ng kanilang mga employer. (Bhelle Gamboa)