Airport guard pinarangalan matapos magsauli ng gamit na may lamang P1.4M
Binigyang-parangal ni Manila International Airport Authority General Manager Cesar Chiong ang Airport guard na si Albert L. Bautista sa pagiging tapat nito sa serbisyo.
Noong Jan. 4, 2023, natagpuan ni Bauista ang cash na nagkakahalaga ng P1.4 million at iba pang personal na gamit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 arrival area.
Ayon kay Bautista, nakita niya ang kulay blue trolley bag sa gang chair sa pagitan ng Bay 8 at 9 ng domestic arrival area ng Terminal 2.
Agad siyang humingi ng tulong sa Airport Police officer on duty at sa paging section para mahanap ang may-ari nito.
Sa kabila ng sunod-sunod na public announcements, walang nag-claim ng bag.
Bilang bahagi ng security protocol, kinordonan muna ang lugar at nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Philippine National Police Explosive Ordinance Disposal and Canine Group (PNP-EOD/K9 Group).
Sa isinagawang inventory, natuklasan na naglalaman ang bag ng P1.4 million, personal effects at identification cards na nakapangalan kay Mayor Hanie Bud, ng Maluso, Basilan.
Sa kaniyang Facebook ikinuwento ng alkalde kung paanong naisauli sa kaniya ang bagahe. (DDC)