Coast Guard personnel nahulihan ng ilegal na droga sa Zamboanga City
Binalaan ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, CG Admiral Artemio Abu ang mga tauhan ng PCG sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Ito ay makaraang maaresto ang 32-anyos na si CG Seaman First Class (SN1) Bernabe Cosme Delin Jr. makaraang mahulihan ng limang sachet ng hinihinalang “shabu” sa buy-bust operation sa Barangay Cabatangan, Zamboanga City.
Si Delin ay nadakip kasama ang dalawa pang suspek na kinilalang sina Gilbert Johnston, 53-anyos at Edgar Maghinay, 32-anyos.
Ayon kay Abu, kapag napatunayang guilty, maaaring matanggal sa serbisyo si Delin.
Magsasagawa na ng hiwalay na administrative investigation ang Coast Guard District Southwestern Mindanao sa insidente.
Nakatakda ding magsagawa ng random drug tests sa mga Coast Guard personnel sa Coast Guard District Southwestern Mindanao para matiyak na mapapanatili nila ang mataas na antas ng integridad, propesyunalismo, at maayos na pagseserbisyo sa publiko.
“Magsilbing aral ang insidenteng ito sa mga kapwa ko Coast Guardians na pahalagahan ang ating sinumpaang tungkulin sa bayan. Kaisa tayo ng gobyerno sa pakikipaglaban sa operasyon ng iligal na droga kaya kung sinuman ang mahuhuling sangkot dito, anuman ang posisyon o ranggo, ay tatanggalin sa serbisyo…,” ayon kay CG Admiral Abu. (DDC)