Mga residente ng Parañaque, nagrereklamo sa tambak-tambak na basurang hindi nakokolekta
Nagrereklamo ang mga residente ng Parañaque City kaugnay sa hindi nahahakot na mga basura nitong katatapos na holiday season na nakatambak lamang sa mga gilid ng kalsada.
Umaapela ang mga residente sa Parañaque City Government na agad aksiyonan ang naturang problema sa basura at iprayoridad ang kanilang kalusugan.
Ipinunto pa ng mga residente na bukod sa suliranin sa hindi nahahakot na mga basura ay dagdag pa rin ang kawalan ng supply ng tubig bunsod ng water interruption ng Maynilad sa mga apektadong lugar sa lungsod.
Samantala personal na nagtungo si Mayor Eric Olivarez kasama si Gng. Aileen Claire Riate-Olivarez at CENRO OIC Mark Allen Besa, sa City Material Recovery Facility sa C5 Road Extension, Barangay La Huerta at sa ilang mga barangay sa lungsod ng Parañaque upang alamin ang status ng paghahakot ng mga basura na naipon mula sa nagdaang Pasko at pagsalubong ng Bagong Taon.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan Ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ay patuloy ding nakikipag-ugnayan sa MetroWaste Management Corporation para masigurado ang tuloy-tuloy na paghahakot ng mga basura sa 16 na barangays.
Humihingi ng kooperasyon at pang-unawa ang lokal na pamahalaan ang bawat Parañaqueño kasabay nito ang ginagawang mga hakbang para panatilihing malinis ang lungsod. (Bhelle Gamboa)