Mahigit 400 deboto ng Itim na Nazareno nabigyan ng first aid ng Philippine Red Cross
Umabot na sa mahigit 400 pasyente ang nabigyan ng first aid ng Philippine Red Cross simula madaling araw ngayong Lunes, Jan 9 sa pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno.
Nagtayo ang Red Cross ng Emergency Medical Unit (EMU) tent sa Bonifacio Shrine o sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila para tumugon sa emergency situation.
Ang PRC-EMU tent ay minamandohan ng PRC medical corps, volunteer doctors at nurses at mayroong 20 beds, may mga gamot at basic hospital equipment.
Kabilang sa mga dinadala sa Medical Unit Tent ng Red Cross ang mga debotong nahihilo, nakararanas ng high blood, stroke at nasusugatan sa paa.
May first aid station din ang Red Cross sa panulukan ng Quezon Blvd at Gonzalo Puyat street.
Hanggang pasado 6:00 ng umaga sinabi ng Red Cross na umabot na sa 427 ang naserbisyuhang mga pasyente.
Umiikot din ang kanilang medical patrol sa paligid ng Quiapo Church upang makapagbigay ng agarang medical assistance sa mga deboto ng Nazareno.
Maliban sa medical assistance ang mga volunteers ng Philippine Red Cross ay namimigay rin ng bottled water at facemask sa mga deboto.
Simula 12:00 ng hantinggabi ay oras-oras ang idinadaos na misa sa Quiapo Church. (DDC)