Anak ni Justice Sec. Boying Remulla inabswelto ng korte sa kasong drug possession
Inabswelto ng Las Piñas Regional Trial Court si Juanito Remulla III, anak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa kasong illegal drug possession na isinampa laban sa kaniya.
Ang nakababatang Remulla ay naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa Talon Dos, Las Piñas noong October 11.
Sa 34-pahinang desisyon ng Las Pinas Regional Trial Court Branch 197 nakasaad na walang malinaw na ebidensya na magsasangkot kay Remulla sa mga nakumpiskang ilegal na droga.
Sinabi ng korte na maaaring hindi batid ng abusado na ang natanggap niyang parcel ay naglalaman ng marijuana.
Sinabi rin ng korte na ang pagtanggap ni Remulla sa package sa isinagawang controlled delivery ay hindi sapat na basehan para mapatunayang sangkot ito sa ilegal na aktibidad.
Wala umanong ebidensyang naipakita ang prosekusyon na alam ni Remulla na naglalaman ng marijuana ang package na kaniyang tinanggap.
Ayon pa sa korte, base sa pahayag ng Customs examiner, ang parcel ay nadiskubre noong September 28, 2022 at nai-turn over sa customs examiner noong October 4.
Sinabi ng korte na walang rekord na magpapakita kung paanong hinawakan, itinago at naipreserba ang parcel simula nang ito ay madiskubre noong Sept. 28. (DDC)