Floating assets ng PCG ide-deploy para magtiyak ng seguridad sa Nazareno 2023
Nakahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) para masiguro ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng milyung-milyong deboto na dadagsa para sa pagdiriwang ng Nazareno 2023.
Sasailalim sa heightened alert ang PCG District National Capital Region-Central Luzon (NCR-CL) mula Jan. 7 hanggang Jan. 9 para magsagawa ng maritime safety and maritime security operations sa Manila Bay at Pasig River.
Tututukan dito ang mga katubigang sakop ng Jones Bridge, MacArthur Bridge, Quezon Bridge, at Ayala Bridge, gayundin ang likod na bahagi ng Quirino Grandstand.
Ayon kay PCG District NCR-CL Commander, CG Commodore Hostillo Arturo Cornelio, humigit-kumulang 10 Coast Guard floating asset tulad ng fast patrol boat, aluminum boat, rubber boat, rigid hull inflatable boat, at ferry boat ang i-de-deploy para labanan ang anumang banta sa kaligtasan ng mga deboto.
Maliban sa mahigpit na pagpapatrolya, magsasagawa rin ng underwater inspection sa mga nabanggit na katubigan.
Magpapakalat din ng daan-daang Coast Guard security personnel, medical team, K9 unit, at Explosive Ordnance Disposal (EOD) specialist sa mga kritikal na lugar sa Maynila.
Katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang ahesya ng gobyerno, naka-antabay na rin ang PCG sa pagresponde sa mga insidente tulad ng terorismo, stampede, sunog, o lindol para maitaguyod ang kapakanan ng publiko.
Magpapalabas din ng “Notice to Mariners” para ipagbigay-alam sa mga tripulante at marino na magiging mas mahigpit ang pag-iinspeksyon sa mga bangka at sasakyang pandagat mula Jan. 7 hanggang Jan. 9. (DDC)