NCRPO naglabas ng paalala sa ligtas at maayos na pagdaraos ng Pista ng Itim na Nazareno
Pinaalalahanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko partikular ang mga deboto na ipagdiwang nang ligtas at maayos ang Pista ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 9.
Ayon kay NCRPO Regional Director, Major General Jonnel Estomo na handang-handa na ang Metro cops sa pagbibigay ng seguridad sa mga lugar sa lungsod ng Maynila para sa kapistahan.
Dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19, hindi pa rin gaganapin ang Traslacion ngayong Enero 2023 subalit magpapatuloy ang pagdiriwang ng Kapistahan.
Sa halip na ang kinagawiang Traslacion ang gagawin, ang imahe ng Itim na Nazareno ay dadalhin na lamang sa mga barangay at komunidad na tinatawag na “pagdalaw”.
Magkakaroon ng live-streaming ng mga misa sa Simbahan ng Quiapo sa mismong araw ng kapistahan sa Enero 9.
Bukod dito, magkakaroon din ng “Walk of Faith” o prosesyon ngunit wala ang imahe ng Itim na Nazareno.
Kung may replika ang mga deboto ay maaari nilang dalhin sa prosesyon.
Kinumpirma naman ni MGen Estomo na walang “pahalik” at “pasanan” na magaganap.
Idinagdag pa sa paalala ng opisyal na magsuot ng face mask,panatilihin ang tamang agwat, panatilihing malinis ang mga kamay o laging gumamit ng alcohol at hand sanitizer, at magpabakuna kontra COVID-19. (Bhelle Gamboa)