20,000 doses ng flu vaccine para sa mga taga-Dagupan, dumating na
Dumating na ang 20,000 doses ng Flu Vaccine mula sa Pharmaceutical & Healthcare Association of the Philippines (PHAPCares) na ipinagkaloob sa Dagupan City LGU sa pamamagitan ng Pangasinan Medical Society (PMS).
Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, City health officer, agad na ipagkakaloob ang bakuna sa mga DagupeƱo sa vaccination activity na magaganap sa City plaza araw ng Biyernes (January 6) katuwang ang PMS at dadalhin din sa mga barangay sa mga susunod na araw.
Ang mga bakuna ay personal na sinuri ni Acting Mayor BK Kua sa City Health Office at upang tiyaking nasa ayos ang mga paghahanda para sa magaganap na libreng flu vaccination activity.
Base sa naunang anunsyo ni Mayor Belen T. Fernandez, prayoridad na mapabakunahan ang mga senior citizens, empleyado ng gobyerno, at general adult na edad 18 pataas.
Matatandaan na nitong 2022 ay sinimulan ng lokal na gobyerno ang pagpapahatid ng 2,000 doses ng flu vaccine mula naman sa DOH para sa mga senior citizens.
Ngayong 2023 sa target ni Belen na mapabakunahan lahat ng senior citizens at mabigyang proteksyon kontra influenza viruses. (DDC)