CDO City Mayor Klarex Uy itinangging nagpatupad siya ng mass layoff sa mga empleyado ng City Hall
Itinanggi ni Cagayan de Oro City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy ang mga kumakalat na balita na nagpatupad siya ng mass layoff sa mga empleyado ng City Hall.
Ayon sa alkalde, hindi totoong tinanggal niya sa trabaho ang mga empleyado sa halip ay natapos na ang kontrata ng mga job order at casual employees noong Dec. 31, 2022.
Una nang kinumpirma ni City Administrator Roy Hilario Raagas na nilagdaan ni y ang memorandum hinggil sa pagtatapos ng kontrata ng mga casual at job order employees.
Mayroon ding nilagdaang memorandum si Uy kung saan binigyan ng temporary exemption sa termination order ang mga casuals at job order workers mula sa 12 tanggapan ng City Hall na pawang may kaugnayan sa medical/health, disaster preparedness, and management/response, peace and order, traffic management, sanitation, engineering, at public cemetery.
Exempted din sa termination ang mga casuals at job order employees na nasa ilalim ng Business Process Licensing Division at Office of the Building Official. (DDC)