Kaso ng fireworks-related injuries umakyat na sa 262; 1 kaso ng stray bullet naitala ng DOH
Umabot na sa 262 ang bilang ng naitalang fireworks-related injuries ng Department of Health (DOH) simula noong Dec. 21 hanggang 3, 2022.
Ayon sa DOH, nakapagtala ng dagdag na 51 pang bagong kaso ng fireworks-related injuries.
Ang datos na mula sa 61 sentinel hospitals sa buong bansa ay 42 percent na mas mataas kumpara sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, ang limang paputok na pangunahing dahilan ng pagkasugat ng mga biktima ay ang Kwitis, Boga, 5-Star, Fountain, at iba pang hindi tukoy na uri ng paputok.
Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng sugat sa kamay (92), mata (75), binti (35), ulo (34) at braso (31).
Wala pa namang naitatalang kaso ng fireworks ingestion.
Samantala, nakapagtala naman na ng isang kaso ng stray bullet.
Ayon sa DOH, noong Jan. 1, 2023, 3:22 ng madaling araw, isang 64 anyos na ginang mula sa Maynila ang tinamaan ng stray bullet habang naglalakad.
Dinala sa UP-PGH ang biktima. (DDC)