Sanhi ng power supply problem na naranasan sa Air Traffic Management ng CAAP iniimbestigahan pa
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon kung ano ang talagang naging sanhi ng power supply problem na naranasan sa Air Traffic Management ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Sa inilabas na paliwanag ng CAAP, sa inisyal na imbestigasyon ay nagkaroon ng “loss of power”sa sistema dahil sa naranasang problema sa electrical network at pumalya din ang uninterruptible power supply (UPS) na ginagamit na backup.
Ang pangunahing rason kung bakit nagkaroon ng power supply problem ay inaalam pa.
Inatasan ang Aerodrome and Air Navigation Safety Oversight Office (AANSOO) na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Ayon sa CAAP, ang ginagamit na Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) System ay proyekto na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at nakumpleto noong Oct. 2017.
Gamit ang CNS/ATM system ay nabibigyan ng computer-aided safety measures ang Air Traffic Control (ATC), at naiiwasan ang controller/pilot workloads at human errors.
Ayon sa CAAP, dati-rati ay tatlong radar lamang na nasa Ninoy Aquino International Airport, Clark, Pampanga, at Tagaytay, Cavite ang ginagamit sa pag-manage ng air traffic sa bansa.
Pero dahil sa bagong CNS/ATM system, mayroon na ngayong 13 radars na nasa NAIA1, Clark, Tagaytay, Aparri, Laoag, Cebu-Mt. Majic, Quezon-Palawan, Zamboanga, NAIA2, Mactan, Bacolod, Kalibo, at Davao na sumasakop sa 70% ng Philippine air space.
Gamit din ang Automatic Dependent Surveillance – Contract (ADS-C) at ang Controller-Pilot Data Link Communications (CPDLC), nagawa na ng CNS/ATM na masakop ang 100% ng nalalabing oceanic airspace.
Ayon sa CAAP, dahil 2019 pa unang ginamit ang sistema, inirekomenda na nila sa pangulo ang pagpapabuti pa ng air traffic management system ng bansa.
Muli namang humingi ng paumanhin ang CAAP sa mga naabang pasahero. (DDC)