Halos 500 katao sa Morong, Bataan nabiktima ng pekeng Coast Guard Auxiliary recruiter
Pinag-iingat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang publiko laban sa mga nagpapanggap na “recruiter” ng PCG Auxiliary (PCGA) o ang civilian volunteer arm ng serbisyo.
Noong Disyembre 2022, nakatanggap ng report ang PCG tungkol sa isang grupo na nagpakilala bilang “101st Balangay ng PCGA” para maka-recruit ng mga miyembro sa Bataan, partikular sa Hermosa, Abucay, at Morong.
Hindi rin otorisado ang paggamit sa logo at pangalan ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), PCG, at PCGA sa mga aktibidad ng grupo sa probinsya.
Ayon sa mga biktima, liban sa P15,000 na ibinayad nila bawat isa, pinagbitiw pa sila sa trabaho at binigyan ng responsibilidad bilang mga security personnel.
Pinangakuan din sila ng P30,000 na allowance kada buwan.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, napag-alaman ng PCG Station Bataan na umabot na sa 480 residente ang nabiktima ng naturang grupo sa Barangay Mabayo, Morong, Bataan.
Karamihan sa mga ito ay “indigent” at nagbenta pa ng mga gamit at alagang hayop para makabayad sa recruitment.
Pinag-aaralan na ng PCG ang paghahain ng kaso laban sa mga suspek sa likod ng naturang grupo.
Panawagan naman ng PCG sa publiko, i-report sa pinakamalapit na Coast Guard District, Station, o Sub-Station ang sinumang magpapakilala bilang miyembro ng PCG o PCGA kapalit ng anumang halaga para maging bahagi ng serbisyo.
Para hindi mabiktima ng ganitong mga insidente, tumutok sa official Facebook page ng PCG kung saan naglalabas ng mga anunsyo patungkol sa nationwide recruitment. (DDC)