Mga hindi bakunadong Cebuano hinikayat na magpabakuna bago dumalo sa Sinulog activities
Hinikayat ng Department of Health (DOH)-Central Visayas ang mga hindi pa bakunadong deboto na magpabakuna na kontra COVID-19 bago dumalo sa mga aktibidad sa Sinulog.
Ayon kay Dr. Eugenia Mercedes Cañal, Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU)-7 cluster head, base sa kanilang datos, wala namang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cebu province.
Katunayan, bumababa pa nga ang datos dahil sa epektibong vaccination campaign ng pamahalaan.
Sa kabila ng pagdami ng mga tao sa mga commercial centers at establishments nitong Christmas holidays, sinabi ni Cañal na patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Gayunman, hindi aniya dapat magpakakampante ang publiko at dapat patuloy na maging maingat.
Maliban sa pagpapabakuna, sinabi ni Cañal na dapat pa ring magsuot ng face masks sa mga lugar na mayroong poor ventilation.
Una nang sinabi ni Cebu City Mayor Michael Rama na matapos ang dalawang taon na hindi nagkaroon ng magarbong pagdiriwang ay muling mararanasan ang masaya Sinulog sa taong 2023. (DDC)