Tramo Busway station sa Pasay, binuksan na; Libreng Sakay sa EDSA Busway matatapos na sa Jan. 1
Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang pagbubukas sa bagong EDSA Busway Station sa Tramo, Pasay City.
Sa kaniyang pahayag, pinasalamatan ni Bautista ang MMDA, i-ACT, LTFRB, at at mga bus operators sa tulong upang mabigyan ng convenient, abot-kaya, accessible, at ligtas na biyahe ang mga rider sa EDSA”.
Sinabi ni Bautista na makakatulong ang bagong istasyon na ito upang mas mapadali ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero na malapit sa Tramo Busway Station.
“Ito pong bus stop na ito ay magbibigay ng convenience sa ating mga mananakay para ‘yung mga bumababa at sumasakay sa lugar na ito ay hindi na masyadong lalakad ng malayo,” ayon sa kalihim.
Nagpasalamat naman si DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor sa suporta sa naturang proyekto at ipinangakong patuloy na gagawa ng mga hakbang upang lalong mapa-improve at mapaganda ang EDSA busway system.
Ayon pa kay Pastor, sa pagtutulungan ng DOTr, LTFRB, I-ACT, MMDA at DPWH ay umabot na sa 17 ang mga bus stop ng EDSA Busway system at nakapagbibigay serbisyo sa mahigit 300,000 na mga pasahero araw-araw.
Simula sa Jan. 1, 2023 ay may bayad na ang EDSA Busway Carousel. (DDC)