LPA magpapaulan sa mga rehiyon sa Luzon at Visayas; buong Luzon apektado ng Amihan
Makararanas ng pag-ulan ngayong araw sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa binabantayang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA.
Ang LPA ay huling namataan sa layong 100 kilometers Southeast ng Guiuan, Eastern Samar.
Sa weather forecast ng PAGASA, makararanas ng maulap na papawiri na may kalat-kalat na pag-ulan sa MIMAROPA, CALABARZON, Bicol Region, Eastern at Western Visayas dahil sa LPA.
Maulap na papawirin din na may mahinang pag-ulan ang mararanasan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora dahil sa Northeast Monsoon o Amihan.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin naman na may mahinang apg-ulan din ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng Luzon dahil din sa Amihan.
Habang trough ng LPA at localized thunderstorms ang magdudulot ng isolated na pag-ulan at thunderstorms sa nalalabi pang bahagi ng bansa. (DDC)