Pangulong Marcos namahagi ng Christmas gifts sa mga bata at IPs
Namahagi ng regalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 400 bata at 574 na katao at pamilya kabilang ang mga miyembro ng indigenous people (IP) groups at street children.
Ang pamimigay ng regalo ay ginawa ng pangulo sa idinaos na “Pangkabuhayan at Pamaskong Handog ng Pangulo at Unang Ginang sa Sambayanang Pilipino” sa Open Amphitheater sa Rizal Park sa Maynila.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo sa nasabing gift-giving activity ay nagmula sa 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ng DSWD na bawat adult beneficiary ay nakatanggap ng 6 na kilo ng bigas, grocery items, hygiene kits at cash assistance na P10,000 na mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.
Ang mga batang benepisyaryo naman ay nakatanggap ng food packs at gift packs na may lamang mga laruan at libro. (DDC)