PPA hindi magpapatupad ng Port closure ngayong holiday season
Nilinaw ng Philippine Ports Authority (PPA) na walang ipatutupad na “port closure” sa mga pantalan ng Maynila at Batangas ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ginawa ng PPA ang pahayag matapos ang anunsyo ng kumpanyang 2GO Travel sa kanilang websites ukol sa umano’y “port closures” ngayong peak season.
Ayon kay General Manager Jay Santiago, tuloy ang 24/7 na operasyon sa mga pantalan at walang naiulat na pagsasara ng anumang pantalan ng PPA sa buong bansa.
Aniya ngayong panahon na ito pinaka kailangan ang operasyon ng mga pantalan dahil marami ang uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Sa ngayon naka-deploy na rin ang PPA port police sa mga pantalan at nakahanda na rin ang mga empleyadong naka-duty sa PPA Malasakit Help Desk para maasikaso ang mga uuwi ngayong kapaskuhan.
Matatandaang nitong nakaraang linggo naglabas ng memorandum si Santiago hinggil sa “No Leave Policy” para sa 24/7 na operasyon ng PPA ngayong Pasko at Bagong Taon. (DDC)