Lider ng “Utto Criminal Group” at kasabwat nito, huli sa higit P20M halaga ng shabu sa Taguig
Inanunsyo ni Southern Police District (SPD) Chief, Brigadier General Kirby John Brion Kraft ang pagkakaaresto ng umano’y lider ng Utto Criminal Group at kasabwat nito nang makumpiskahan ng ₱20,400,000 halaga ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride (shabu) sa panulukan ng Pendatun at Old Housing Streets, Barangay Maharlika, Taguig City.
Kinilala ang mga suspek na sina Basser Utto y Gogo, 32, at Normina Datuan y Paleg, 25.
Nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Taguig City Police MCU Substation 7 at Station Intelligence Section bilang bahagi sa nagaganap na One Time Big Time (OTBT) operation nang parahin ang isang metallic blue Toyota Vios na may plakang EAD 2382 dahil sa reckless driving.
Hindi sinasadyang mapansin ng pulis ang bahagyang nakabukas na green Chinese tea bags na naglalaman ng mga pakete na may white crystalline substance na aabot sa tinatayang 3,000 grams.
Ayon kay BGen Kraft ang Utto Criminal Group ay responsable sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa Taguig at karatig na mga lungsod.
“I am confident we can do more to eliminate illegal drugs in the future. Salamat sa ating mga pulis sa patuloy na pagtupad sa kanilang tungkulin na protektahan ang ating mga mamamayan. Saludo ako sa inyong husay at katapangang na malaking ambag sa kaayusan at kapayapaan ng bansa,” sabi ng SPD Chief. (Bhelle Gamboa)