Papel ng EU-ASEAN Business Council sa pagpapalago ng ekonomiya at pagtugon sa climate change mahalaga ayon kay Pang. Marcos
Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang European Union – Association of Southeast Asian Nations (EU-ASEAN) Business Council sa matagumpay na pagsasagawa ng EU-ASEAN Business Summit sa Brussels, Belgium.
Nagbigay ang pangulo ng pangwakas na mensahe sa isang working luncheon para sa EU-ASEAN Business Summit at kanyang ibinahagi ang mga hakbang ng ASEAN upang palawigin ang papel nito sa pandaigdigang entablado, partikular na sa larangan ng economic integration at pagtugon sa climate change.
Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang ASEAN-EU Business Council para sa pagsuporta at pakikipag-ugnayan nito mula sa sektoral na lebel ng ASEAN hanggang sa pamunuan ng organisasyon.
Ayon sa pangulo malaki ang papel ng EU-ASEAN Business Council sa pagpapalago ng ekonomiya ng rehiyon, partikular sa pagbangon mula sa pandemya.
Binigyang-diin din ng pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ugnayan ng public sector at mga pribadong institusyon sa gitna ng mga suliranin na kinahaharap ng rehiyon, tulad ng geopolitical tension, suplay ng produkto, at presyo ng pagkain. (DDC)