Bicol Region isinailalim sa red alert dahil sa posibleng epekto ng LPA na maaaring maging bagyo
Itinaas na ang red alert status sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa Bicol bilang paghahanda sa epekto ng low pressure area (LPA) na posibleng maging bagyo.
Ang LPA ay papangalanang “Rosal” ng PAGASA sa sandaling pumasok sa bansa.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD)- Bicol DRRM division chief Jessar Adornado, itinaas ang alert status upang makapaglatag ng paghahanda sa posibleng maging epekto ng sama ng panahon.
Sinabi ni Melvin Almojuela, weather forecaster ng PAGASA Southern Luzon Division, simula ngayong Biyernes ay maaari nang magdulot ng pag-ulan sa Bicol Region ang LPA.
Sa ilalim ng red alert, ia-activate ang response clusters sa rehiyon.
Maghahanda din sa posibleng paglilikas sa mga residenteng naninirahan sa high-risk areas. (DDC)