Taguig LGU binawi ang ipinahiram na gusali sa PDEA matapos mahulihan ng ilegal na droga ang 1 opisyal at 2 ahente nito
Pinababakante na ng Taguig City LGU sa PDEA Southern District Office ang gusali na ipinahiram ng pamahalaang lungsod sa nasabing ahensya.
Dismayado ang lokal na pamahalaan ng Taguig matapos na maaresto ang hepe ng PDEA South at dalawang ahente nito dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Ang ilegal na transaksyon ay ginawa pa mismo sa gusali na pag-aari ng Taguig City LGU.
Ayon sa pamahalaang lungsod noong 2018 ay ipinahiram sa PDEA ang bagong tayong pasilidad bilang suporta ng LGU sa kampanya kontra illegal drugs.
Pansamantala ding inihinto na ng Taguig City ang suporta at koordinasyon sa PDEA habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Siniguro naman ng pamahalaang lungsod ang pakikipagtulungan sa Taguig City Police at sa anti-drug abuse council.
Kamakailan ay nadakip ang hepe ng PDEA South District Office, dalawang PDEA agents at isang civilian driver matapos makumpiskahan ng mahigit P9 milyong halaga ng shabu na kanilang ibinibenta sa loob ng PDEA South District Office sa A. Bonifacio St., Brgy., Upper Bicutan, Taguig City. (DDC)