Travel Consultancy Firm na nag-aalok ng bogus na trabaho sa Poland ipinasara ng DMW
Iniutos ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang pagpapasara sa isang travel consultancy firm na nag-aalok ng bogus na trabaho sa Poland.
Ayon kay Ople ang IDPLumen Travel Consultancy Services ay naniningil ng P122,000 sa mga aplikante.
Sa pamamagitan ng Anti-Illegal Recruitment Branch (AIRB) ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ipinasara ang headquarters ng kumpanya sa San Fernando, Pampanga at ang mga opisina nito sa Santiago City, Isabela at Tabuk City, Kalinga.
Sa isinagawang surveillance natuklasan na AIRB na ang IDPLumen ay nag-aalok ng trabaho patungong Poland para sa mga truck drivers, welders, at factory workers na may sweldo na P35,000 hanggang P124,000.
Pero ayon sa DMW, ang IDPLumen Travel Consultancy Services ay walang lisensya mula sa POEA para mag-operate bilang recruitment agency at walang validated overseas job orders.
Naniningil din ang kumpanya ng processing fee na umaabot sa hanggang P122,000 sa mga aplikante.
Kasabay ng pagpapasara, ang IDPLumen at mga staff nito ay isasama na sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” ng DMW. (DDC)