PDEA South Chief, 2 ahente at driver arestado matapos mahulihan ng mahigit P9M halaga ng shabu
Arestado ang hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) South District Office, dalawang PDEA agents at isang civilian driver matapos makumpiskahan ng mahigit P9 milyong halaga ng shabu na kanilang ibinibenta sa loob mismo ng PDEA South District Office sa A. Bonifacio St., Brgy., Upper Bicutan, Taguig City.
Ang operasyon ay kasunod na mas pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng Department of Interior and Local Government’s (DILG) campaign na “BIDA” o Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan’ at S.A.F.E. NCRPO.
Pinuri naman ni NCRPO Acting Regional Director Jonnel C. Estomo, ang mga operating units matapos ang pagkakaaresto sa mga suspek na sina Enrique Lucero, Chief PDEA Southern District Office; Anthony Vic Alabastro, Agent PDEA SDO; Jaireh Llaguno, Agent PDEA SDO; at Mark Warren Sural, personal driver.
Nakumpiska ng mga otoridad sa mga suspek ang tinatayang P9,180,000 halaga ng shabu, buy-bust money, apat na long issued firearms at digital weighing scale.
Ang mga suspek ay nasa kostodiya ng NCRPO habang inihahanda ang kaukulang pagsasampa ng kaso sa Taguig City Prosecutor’s Office. (Bhelle Gamboa)