Kampanya laban sa sakit na TB, HIV pinatututukan ni Pangulong Marcos sa DOH
Maliban sa COVID-19 ay pinatututukan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) ang iba pang mga sakit gaya ng HIV at TB.
Sa pulong sa Malakanyang, sinabi ni Marcos na bagaman mananatiling naririyan ang COVID-19, dapat muling tutukan ang mga life-threatening na sakit.
Sa nasabing pulong, tinanong ng pangulo si DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire tungkol sa TB-DOTS program ng ahensya.
Ayon kay Vergeire, nag-iikot ngayon ang DOH sa iba’t ibang panig ng bansa para ilunsad ang mga primary care program at kabilang dito ang TB-DOTS.
Binanggit ni Vergeire sa pangulo ang mga kaso ng multi-drug resistant cases ng TB dahil ang publiko ay nakabibili ng anti-TB medicines over the counter.
Ang kaso naman ng HIV ani Vergeire ay tumaas dahil sa pinairal na restrictions bunsod ng COVID-19 na naging hadlang para makasailalim sa HIV screenings ang mga nangangailangan nito.
Ang mga hindi aniya nakasailailm sa screening ay hindi rin nakakuha ng kanilang gamot dahil sa mga ipinatupad na lockdowns. (DDC)